Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 71:1-6

Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas

71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
    Dinggin nʼyo ako at iligtas.
Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
    Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
    Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.

Jeremias 1:1-3

Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon. Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.

Jeremias 1:11-19

11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[a] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[b] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Lucas 6:1-5

Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)

Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis[a] ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®