Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
Parurusahan ng Dios ang Mundo
24 Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo[a] hanggang sa hindi na ito mapakinabangan at pangangalatin niya ang mga mamamayan nito. 2 Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang. 3 Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon. 4 Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang tao. 5 Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Dios at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Dios sa kanila. 6 Kaya isusumpa ng Dios ang mundo, at mananagot ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang mga kasalanan. Susunugin sila at iilan lang ang matitira. 7 Malalanta ang mga ubas, at mauubos ang katas nito. Ang mga nagsasaya ay malulungkot, 8 at hindi na maririnig ang magagandang tugtugan ng mga tamburin at alpa, at ang hiyawan ng mga taong nagdiriwang. 9 Mawawala ang awitan sa kanilang pag-iinuman, at ang inumin ay magiging mapait. 10 Mawawasak ang lungsod at hindi na mapapakinabangan. Sasarhan ang mga pintuan ng bawat bahay para walang makapasok. 11 Sisigaw ang mga tao sa lansangan, na naghahanap ng alak. Ang kanilang kaligayahan ay papalitan ng kalungkutan. Wala nang kasayahan sa mundo. 12 Ang lungsod ay mananatiling wasak, pati ang mga pintuan nito. 13 Iilan na lamang ang matitirang tao sa lahat ng bansa sa mundo, tulad ng olibo o ubas pagkatapos ng pitasan.
17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[a] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.
20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.
21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.
22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.
23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.
27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®