Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 52

Ang Paghatol at Habag ng Dios

52 Ikaw, taong mapagmataas,
    bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
    Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
    kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
    at lagi kang nagsisinungaling.
Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
    at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
    Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
    bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
“Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
    Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
    at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”

Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
    na yumayabong sa loob ng inyong templo.
    Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
    At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.

Amos 5:18-27

Ang Araw ng Paghatol ng Dios

18 Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. 19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. 20 Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.

Ang Gusto ng Panginoon na Dapat Gawin ng Kanyang mga Mamamayan

21 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. 22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. 23 Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.

25 “Mga mamamayan ng Israel, noong nasa ilang ang inyong mga ninuno sa loob ng 40 taon, naghandog ba sila sa akin? Hindi! 26 At ngayon ay buhat-buhat ninyo si Sakut, ang dios-diosang itinuturing ninyong hari, at si Kaiwan, ang dios-diosan ninyong bituin. Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin. 27 Kaya ipapabihag ko kayo at dadalhin sa kabila pa ng Damascus.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na tinatawag na Dios na Makapangyarihan.

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[a] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®