Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
10 Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. 11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani.[a] Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. 12 Sapagkat alam ko[b] kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. 13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. 14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. 15 Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.
16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay[c] na kasama ng mga taong inupahan para umiyak. 17 May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas.[d] Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
5 Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 2 At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. 3 At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. 4 Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. 5 Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,
“Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]
6 At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®