Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 48

Ang Zion ang Bayan ng Dios

48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
    at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
    ang kanyang banal na bundok.
Itoʼy mataas at maganda,
    at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
    Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
    at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
    nagulat, natakot at nagsitakas sila.
Dahil sa takot, nanginig sila
    gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
    na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
    pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
    Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
    at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong templo, O Dios,
    iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
    at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
    Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
    at ng mga bayan ng Juda,
    dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12 Mga mamamayan ng Dios,
    libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
    upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
    Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”

Bilang 24:1-14

24 Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[a] Narinig ko ang salita ng Dios, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin.[b] Ito ang aking mensahe:

‘Anong ganda ng mga toldang tinitirhan ng mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob.
Katulad ito ng mga nakalinyang palma, o ng mga tanim sa tabi ng ilog.
Katulad din ito ng puno ng aloe na itinanim ng Panginoon, o ng mga puno ng sedro sa tabi ng tubig.
Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan, at nagtatanim sila ng buto sa mga lupang sagana sa tubig.
Ang kanilang hari ay magiging mas makapangyarihan kaysa kay Agag na hari ng Amalekita, at ang kanilang kaharian ay magiging tanyag.
Inilabas sila ng Dios sa Egipto; para sa kanila, katulad siya ng isang malakas na toro.
Lulupigin nila ang kanilang mga kaaway; tutuhugin sa tulis ng pana at dudurugin ang kanilang mga buto.
Katulad sila ng mga leon na kapag nakatulog na ay wala nang mangangahas pang gumising sa kanila.
Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila.’ ”

10 Dahil dito, matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, pero binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. 11 Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, pero hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.” 12 Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, 13 na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. 14 Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”

Lucas 1:26-38

Nagpakita kay Maria ang Anghel

26 Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen[a] na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka,[b] Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”

29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. 31 Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”

34 Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”

35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Dios.”

38 Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®