Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Laban sa Masama
59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2 Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3 Panginoon, tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako para patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
6 Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
7 Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
8 Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
9 O Dios ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.
Ginawang Hari ng Israel si Jehu
9 Ipinatawag ni Eliseo ang isa sa miyembro ng grupo ng mga propeta at sinabi, “Maghanda ka, dalhin mo ang lalagyan ng langis, at pumunta ka sa Ramot Gilead. 2 Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat na apo ni Nimsi. Kunin mo siya sa mga kasama niya at dalhin mo sa isang kwarto na dalawa lang kayo. 3 Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at tumakbo ka nang mabilis.”
4 Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead. 5 Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.” 6 Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel. 7 Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel. 8 Mauubos ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ahab. Papatayin ko ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya, alipin man o hindi. 9 Gagawin ko sa pamilya ni Ahab ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia. 10 Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Binuksan ng batang propeta ang pinto at tumakbo papalayo.
11 Pagbalik ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, isa sa kanila ang nagtanong sa kanya, “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot si Jehu, “Kilala ninyo kung sino siya at kung ano ang kanyang pinagsasabi.” 12 Sumagot sila, “Hindi totoo iyan. Sabihin mo sa amin kung ano talaga ang sinabi niya.” Sinabi ni Jehu, “Ito ang sinabi niya sa akin, ‘Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ ” 13 Nang marinig ito ng mga opisyal, tinanggal nila ang mga balabal nila at inilatag sa hagdanan para kay Jehu. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw, “Si Jehu na ang hari!”
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Dios.
18 Ang mensahe ng pagkamatay ni Cristo sa krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, itoʼy kapangyarihan ng Dios. 19 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at ipapawalang-saysay ko ang katalinuhan ng matatalino.”[a] 20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Dios na ang karunungan ng mundo ay kamangmangan?
21 Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang. 22 Ang mga Judio ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griego naman ay humahanap ng sinasabi nilang karunungan. 23 Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Cristo na ipinako sa krus – bagay na hindi matanggap ng mga Judio, at isang kamangmangan para sa mga hindi Judio. 24 Ngunit para sa mga tinawag ng Dios, Judio man o hindi, si Cristo ang siyang kapangyarihan at karunungan ng Dios. 25 Sapagkat ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Dios ay higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Dios ay higit pa sa kalakasan ng tao. 26 Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang tawagin kayo ng Dios. Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan. 27 Ngunit pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga. 29 Kaya walang makakapagmalaki sa harap ng Dios. 30 Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Cristo Jesus. Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan. 31 Kaya gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Dios.”[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®