Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 8

Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan

O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
    at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
    kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.

Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
    at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
    Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
    at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.

Kawikaan 4:1-9

Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa. Mabuti ang itinuturo kong ito, kaya huwag ninyong ipagwalang bahala. Noong bata pa ako at nasa piling pa ng aking mga magulang, mahal na mahal ako ng aking ina bilang nag-iisang anak. Tinuruan ako ni ama. Sinabi niya sa akin, “Anak, ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo ko. Sundin mo ang mga utos ko at mabubuhay ka nang matagal. Pagsikapan mong magkaroon ng karunungan at pang-unawa. Huwag mong kalilimutan ang mga sinasabi ko at huwag kang hihiwalay dito. Huwag mong tanggihan ang karunungan, sa halip pahalagahan mo ito, dahil iingatan ka nito. Pinakamahalaga sa lahat ang karunungan at pang-unawa. Sikapin mong magkaroon nito kahit na maubos pa ang lahat ng kayamanan mo. Tanggapin moʼt pahalagahan ang karunungan, dahil magbibigay ito sa iyo ng karangalan. Magiging parang koronang bulaklak ito na magbibigay sa iyo ng kagandahan.”

Lucas 2:41-52

Ang Batang si Jesus sa Templo

41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.[a] 42 Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. 46 At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. 48 Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” 49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

51 Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®