Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 5:1-8

Panalangin para Ingatan ng Panginoon

O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
    at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
    at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
    Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
    makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
    At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.

O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
    gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
    Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.

1 Hari 20:35-43

35 Samantala, may isang taong kabilang sa samahan ng mga propeta ang inutusan ng Panginoon para sabihin ito sa kasama niya, “Sige saktan mo ako.” Pero tumanggi ang kasama niya na saktan siya. 36 Kaya sinabi niya sa kanyang kasama, “Dahil hindi mo sinunod ang Panginoon, papatayin ka ng leon pag-alis mo rito.” Pag-alis nga ng kasama niya, nakita siya ng isang leon at pinatay.

37 May nakita namang isang tao ang propeta at sinabi niya, “Saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya nito at nasugatan siya. 38 Pagkatapos, lumakad ang propeta at tumayo sa daan para hintayin na dumaan ang hari ng Israel. Nagbalat-kayo siya sa pamamagitan ng paglalagay ng piring sa mata para hindi makilala. 39 Pagdaan ng hari, sumigaw ang propeta sa kanya, “Mahal na hari, sumama po ako sa labanan, at doon ay may taong nagdala sa akin ng bihag at sinabi, ‘Bantayan mo ang taong ito. Kapag nakatakas siya, papatayin ka o pagbabayarin ng 35 kilong pilak.’ 40 Pero naging abala po ako sa ibang mga gawain kaya nakatakas ang bihag.”

Sinabi ng hari, “Dapat ka ngang parusahan ayon sa sinabi mo.” 41 Tinanggal ng propeta ang piring sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na isa siyang propeta. 42 Sinabi niya sa hari, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Dahil sa pinakawalan mo ang taong sinasabi ko na dapat patayin, ikaw ang papatayin bilang kapalit niya at papatayin din ang iyong mga tauhan bilang kapalit ng kanyang mga tauhan.” 43 Umuwing malungkot at galit ang hari ng Israel sa palasyo niya sa Samaria.

Lucas 5:17-26

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

17 Isang araw habang nangangaral si Jesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. Nanggaling ang mga ito sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit. 18 May mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang ilapit kay Jesus. 19 Pero hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao. Kaya umakyat sila sa bubong at binutasan ito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Jesus ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan,[a] pinatawad na ang mga kasalanan mo.”

21 Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: “Sino kaya ang taong ito na lumalapastangan sa Dios? Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 22 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o, ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako, na Anak ng Tao, ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi!” 25 Tumayo agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat nga niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Dios. 26 Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nakita natin ngayon!”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®