Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Masasamang Bansa
83 O Dios, huwag kayong manahimik.
Kumilos po kayo!
2 Masdan ang inyong mga kaaway,
maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
3 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
4 Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
5 At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
6 Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
7 mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
8 Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[a]
9 Talunin nʼyo sila Panginoon,
katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.
17-18 Naghanda agad si Jacob para bumalik sa Canaan, sa lupain ng ama niyang si Isaac. Pinasakay niya ang mga anak niya at mga asawa sa mga kamelyo. Dinala niya ang mga hayop niya at ang lahat ng ari-arian niya na naipon niya sa Padan Aram.
19 Nagkataon naman na umalis si Laban para gupitan ang kanyang mga tupa, at habang wala siya kinuha ni Raquel ang mga dios-diosang pag-aari ng kanyang ama. 20 Niloko ni Jacob si Laban na Arameo dahil hindi siya nagpaalam sa pag-alis niya. 21 Nang umalis si Jacob, dala niya ang lahat ng ari-arian niya. Tumawid siya sa Ilog Eufrates at pumunta sa bundok ng Gilead.
Hinabol ni Laban si Jacob
22 Nakalipas ang tatlong araw bago malaman ni Laban na lumayas sina Jacob. 23 Kayaʼt hinabol niya si Jacob kasama ang mga kamag-anak niya sa loob ng pitong araw. Naabutan nila sina Jacob doon sa bundok ng Gilead. 24 Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Laban na Arameo sa panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Huwag mong gagawan ng masama si Jacob.”
25 Nagtatayo noon si Jacob ng tolda niya sa bundok ng Gilead nang maabutan siya ni Laban. At doon din nagtayo sina Laban ng mga tolda nila. 26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Bakit mo ako niloko? At dinala mo ang mga anak ko na parang mga bihag sa labanan. 27 Bakit niloko mo ako at umalis nang hindi nagpapaalam sa akin? Kung nagsabi ka lang, paglalakbayin pa sana kita nang may kagalakan sa pamamagitan ng tugtugan ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang mga apo ko at mga anak bago sila umalis. Hindi maganda itong ginawa mo. 29 May dahilan ako para gawan ka ng masama, kaya lang binalaan ako kagabi ng Dios ng iyong ama na huwag kitang gagawan ng masama. 30 Alam kong sabik na sabik ka nang umuwi. Pero bakit ninakaw mo ang mga dios ko?”
31 Sumagot si Jacob sa kanya, “Hindi ako nagpaalam sa iyo dahil natatakot ako na baka pilitin nʼyong bawiin sa akin ang mga anak mo. 32 Pero kung tungkol sa mga nawawala ninyong dios-diosan, kapag nakita nʼyo ito sa kahit sino sa amin, parurusahan siya ng kamatayan. Sa harapan ng mga kamag-anak natin bilang mga saksi, tingnan nʼyo kung may pag-aari po kayo rito na nasa amin, at kung mayroon ay kunin nʼyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel pala ang kumuha ng mga dios-diosan ni Laban.
33 Kaya hinanap ni Laban ang mga dios-diosan niya sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at pati sa tolda ng dalawang aliping babae na mga asawa ni Jacob. Pero hindi niya nakita ang mga ito. Paglabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel. 34 Pero naitago na ni Raquel ang mga dios-diosan sa lalagyan na ginagamit na upuan sa pagsakay sa kamelyo, at inupuan niya. Hinanap ni Laban ang mga dios-diosan sa tolda ni Raquel pero hindi niya ito makita.
35 Sinabi ni Raquel sa kanya, “Ama, huwag po kayong magalit kung hindi po ako makatayo dahil mayroon akong buwanang dalaw.” At patuloy na naghahanap si Laban pero hindi niya makita ang mga dios-diosan niya.
Ang Pagsunod sa Kautusan at ang Pananampalataya kay Cristo
3 Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Hindi ba kayo makaintindi? Bakit kayo naniniwala sa mga nanlilinlang sa inyo? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang kahulugan ng pagkamatay ni Cristo sa krus? 2 Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap nʼyo ba ang Banal na Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan, o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan nʼyo? 3 Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili nʼyong pagsisikap? 4 Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan? 5 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Dios ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap nʼyo ba ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?
6 Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Dios, kaya itinuring siyang matuwid.”[a] 7 Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[b] 9 Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®