Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan
124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?”
Sumagot kayo mga taga-Israel!
2 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
3 maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
6 Purihin ang Panginoon,
dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
na parang mababangis na hayop.
7 Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
8 Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
7 Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Itanim mo ito sa iyong isipan at 2 sundin ang mga iniuutos ko, upang humaba ang buhay mo. Ingatan mong mabuti ang mga itinuturo ko katulad ng pag-iingat mo sa mga mata mo. 3 Itanim mo sa iyong isipan upang hindi mo makalimutan. 4 Ituring mo na parang kapatid na babae ang karunungan at ang pang-unawa na parang isang malapit na kaibigan.
7 Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. 8 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]
9 (Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®