Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 5:1-8

Panalangin para Ingatan ng Panginoon

O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
    at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
    at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
    Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
    makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
    At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.

O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
    gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
    Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.

1 Hari 20:23-34

23 Samantala, sinabi ng mga opisyal ng hari ng Aram sa kanya, “Ang dios ng mga Israelita ay dios ng mga bundok; iyan ang dahilan ng kanilang pagwawagi. Pero kung makikipaglaban tayo sa kanila sa kapatagan, siguradong matatalo natin sila. 24 Ito ang kailangan ninyong gawin: Alisin ninyo ang 32 hari sa kanilang katungkulan, at ipalit sa kanila ang mga kumander. 25 Pagkatapos, magtipon kayo ng mga sundalo, mga kabayo, at mga karwahe na kasindami ng mga nawala noon. Makipaglaban tayo sa mga Israelita sa kapatagan, at tiyak na matatalo natin sila.” Pumayag si Ben Hadad, at ginawa niya ito.

26 Nang sumunod na taon, tinipon ni Ben Hadad ang mga Arameo, at pumunta sila sa lungsod ng Afek para makipaglaban sa mga Israelita. 27 Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas para makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila na paharap sa kampo ng mga Arameo. Pero katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan. 28 Pumunta ang lingkod ng Dios sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na dios ako ng mga bundok at hindi dios ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo para malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”

29 Nagkampo ang mga Israelita at ang mga Arameo na magkaharap sa loob ng pitong araw. At naglaban sila nang ikapitong araw. Sa isang araw lang, nakapatay ang mga Israelita ng 100,000 sundalong Arameo. 30 Ang mga natirang Arameo ay nagsitakas sa lungsod ng Afek, kung saan ang 27,000 sa kanila ay nabagsakan ng pader ng lungsod. Tumakas din doon si Ben Hadad at nagtago sa kasuluk-sulukang kwarto ng bahay. 31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga opisyal, “Narinig po namin na maawain daw ang mga hari ng Israel. Kaya pupunta kami sa hari ng Israel, magsusuot ng sako at magtatali ng lubid sa aming mga ulo. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”

32 Kaya nagsuot sila ng sako at tinalian nila ng lubid ang kanilang ulo. Pagkatapos, pumunta sila sa hari ng Israel, at sinabi, “Ang inyo pong lingkod na si Ben Hadad ay humihiling na kung maaari, huwag nʼyo siyang patayin.” Sumagot ang hari, “Buhay pa pala siya? Para ko na siyang kapatid.” 33 Itinuring ng mga opisyal ang sagot ng hari na isang palatandaan na may pag-asa sila, kaya agad naman nilang sinabi na, “Opo, si Ben Hadad ay para na ninyong kapatid.” Sinabi ng hari, “Dalhin ninyo siya sa akin.”

Pagdating ni Ben Hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. 34 Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, “Isasauli ko sa iyo ang mga lungsod na inagaw ng aking ama sa iyong ama. At maaari kang magpatayo ng mga tindahan sa Damascus, katulad ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” Tugon ni Ahab, “Sa alok mong ito, pakakawalan kita.” Kaya gumawa sila ng kasunduan, at pinaalis siya ni Ahab.

Roma 11:1-10

Ang Awa ng Dios sa Israel

11 Ang tanong ko ngayon, itinakwil na ba ng Dios ang mga taong pinili niya? Aba, hindi! Ako mismo ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lahi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Dios ang kanyang mga mamamayan na sa simula paʼy pinili na niya. Hindi nʼyo ba natatandaan ang sinasabi sa Kasulatan nang ireklamo ni Propeta Elias sa Dios ang mga Israelita? Ang sabi ni Elias, “Panginoon, pinatay po nila ang inyong mga propeta at winasak ang inyong mga altar. Ako na lang po ang natitira at gusto pa nila akong patayin.” Pero ano ang isinagot sa kanya ng Dios? “Nagtira ako ng 7,000 Israelitang hindi sumasamba sa dios-diosang si Baal.” Ganyan din ngayon, may mga natitira pang mga Israelita na tapat sa Dios, na pinili niya dahil sa kanyang biyaya. Ngayon, kung ang pagkapili sa kanila ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito nakasalalay sa kanilang mabubuting gawa. Sapagkat kung nakasalalay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.

Ngayon, masasabi natin na hindi nakamtan ng mga Israelita ang kanilang ninanais na maituring silang matuwid ng Dios. Ang mga pinili ng Dios ang siyang nagkamit nito, pero ang karamihan ay pinatigas ang ulo. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa silang manhid ng Dios at hanggang ngayon ay para silang mga bulag o bingi sa katotohanan.” Sinabi rin ni David tungkol sa kanila: “Ang kanilang mga handog[a] sana ang magdala sa kanila ng kapahamakan, kasiraan, at kaparusahan. 10 Mabulag sana sila at magkandakuba sa bigat ng kanilang mga papasanin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®