Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:1-8

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Exodus 22:1-15

Mga Kautusan Tungkol sa mga Ari-arian

22 “Kung nagnakaw ang isang tao ng baka o tupa, at kinatay niya ito o ipinagbili, kailangang magbayad siya. Sa isang bakang ninakaw niya, magbabayad siya ng limang baka. At sa isang tupang ninakaw niya, magbabayad siya ng apat na tupa.

“Kung nahuli siya sa gabi na aktong nagnanakaw, at napatay siya, walang pananagutan ang nakapatay sa kanya. Pero kung nangyari ito sa araw, may pananagutan ang nakapatay sa magnanakaw.

“Ang magnanakaw na nahuli ay dapat magbayad sa ninakaw niya. Kung wala siyang maibabayad, ipagbibili siya bilang alipin at ang pinagbilhan ang ibabayad sa ninakaw niya. Kung ang baka o asno o tupa na ninakaw niya ay nasa kanya pa, babayaran niya ito ng doble.

“Kung nanginain ang mga hayop sa taniman ng iba, kailangang bayaran ng may-ari ng pinakamagandang ani ng kanyang bukid o kaya ng kanyang ubasan ang nakaing mga pananim.

“Kung may nagsiga at kumalat ang apoy sa mga damo hanggang sa taniman ng ibang tao, kailangang bayaran ng nagsiga ang mga pananim na nasira.

“Kung nagpatago ang isang tao ng pera o kahit anong bagay sa bahay ng kapitbahay niya at ninakaw ito. Kung mahuhuli ang nagnakaw, kailangang magbayad siya ng doble. Pero kung hindi nahuli ang magnanakaw, haharap sa presensya ng Dios[a] ang pinagpataguan para malaman kung kinuha niya o hindi ang ipinatago sa kanya.

“Kung may dalawang taong nagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang may-ari ng isang pag-aari kagaya ng baka, asno, tupa, damit o kahit anong bagay, dapat nilang dalhin ang kaso nila sa presensya ng Dios.[b] Ang taong nagkasala ayon sa desisyon ng Dios ay magbabayad ng doble sa totoong may-ari.

10 “Kung pinaalagaan ng isang tao ang kanyang baka, asno, tupa o kahit anong hayop sa kanyang kapwa, at namatay ito, o nasugatan o nawala nang walang nakakita. 11 Dapat pumunta ang nag-alaga sa presensya ng Panginoon at susumpang wala siyang nalalaman tungkol sa nangyari. Dapat itong paniwalaan ng may-ari, at hindi na siya pagbabayarin. 12 Pero kung ninakaw ang hayop, dapat magbayad ang nag-alaga sa may-ari. 13 Kung napatay ng mabangis na hayop ang hayop, kailangang dalhin niya ang natirang parte ng hayop bilang patunay, at hindi na niya ito kailangang bayaran.

14 “Kung may nanghiram ng hayop sa kanyang kapwa at nasugatan ito o namatay, at wala ang may-ari nang mangyari ito. Dapat itong bayaran ng nanghiram. 15 Pero kung nariyan ang may-ari nang mangyari ito, hindi dapat magbayad ang nanghiram. Kung nirentahan ang hayop, ang perang ibinayad sa renta ang ibabayad sa nasugatan o namatay na hayop.

Hebreo 9:1-12

Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit

May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.

Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. 10 Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®