Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:1-8

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Leviticus 19:32-37

32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.

33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.

Roma 3:21-31

21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®