Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 76

Sa Dios ang Tagumpay

76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
    at sa Israel ay dakila siya.
Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[a]
Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
    ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[b]
Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
    wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[c] ang mga kawal[d] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
Kaya dapat kayong katakutan.
    Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
Mula sa langit ay humatol kayo.
    Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
nang humatol kayo, O Dios,
    upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[e] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
    Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
    kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.

Daniel 7:19-27

19 “Tinanong ko pa siya kung ano ang ibig sabihin ng ikaapat na hayop na ibang-iba sa tatlo. Nakakatakot itong tingnan; ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso. Sinasakmal niya at niluluray ang kanyang mga biktima, at kung may matitira ay kanyang tinatapak-tapakan. 20 Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay. 21 Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Dios, at nananalo siya. 22 Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman, ang Kataas-taasang Dios, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.

23 “Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo. 24 Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari. 25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Dios, at uusigin niya ang mga banal ng Dios. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista[a] at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Dios sa loob ng tatloʼt kalahating taon. 26 Pero hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos. 27 At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Dios ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian[b] ay magpapasakop sa kanila.

Pahayag 11:1-14

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang templo ng Dios at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon. Pero huwag mong sukatin ang labas ng templo dahil inilaan iyan para sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng 42 buwan. Sa mga araw na iyon isusugo ko roon ang dalawang saksi ko. Magsusuot sila ng damit na sako bilang pahiwatig sa mga tao na kailangan na nilang magsisi sa mga kasalanan nila. Ipapahayag nila ang mensahe ng Dios sa loob ng 1,260 araw.”

Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo[a] at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo. Kung may magtangkang manakit sa dalawang ito, may apoy na lalabas sa bibig nila at masusunog ang kanilang kaaway. Ganyan papatayin ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May kapangyarihan silang pigilin ang ulan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng mensahe ng Dios. May kapangyarihan din sila na gawing dugo ang mga tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo anumang oras na gustuhin nila.

Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Dios, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw. Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodom at Egipto. Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito. 10 Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propeta. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo. 11 Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, muli silang binuhay ng Dios. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila. 12 Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng mga kaaway nila, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap. 13 Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at 7,000 ang namatay. Natakot ang natirang mga tao, kaya pinuri nila ang Dios sa langit.

14 Natapos na ang ikalawang nakakatakot na pangyayari, ngunit susunod pa ang ikatlo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®