Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pahayag ng Anghel tungkol sa Huling Panahon
12 “Sa panahong iyon,[a] darating si Micael, ang makapangyarihang pinuno[b] na nagtatanggol sa iyong mga kababayan. Magiging mahirap ang kalagayan sa mga panahong iyon, at ang matinding kahirapang ito ay hindi pa nangyayari mula nang naging bansa ang Israel. Pero ililigtas sa paghihirap ang iyong mga kababayan na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat.[c] 2 Bubuhayin ang marami sa mga namatay na. Ang iba sa kanila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, pero ang iba ay isusumpa at ilalagay sa kahihiyang walang hanggan. 3 Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang matuwid ay magniningning na parang bituin sa langit magpakailanman.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[a] niya.
15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,
16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[a]
17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[b] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.
Lumapit Tayo sa Dios
19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[a] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
13 Nang paalis na sina Jesus sa templo, sinabi ng isa sa mga tagasunod niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang templo. Kay laki ng mga ginamit na bato at napakaganda ng pagkakagawa.” 2 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang templong ito na nakikita ninyo ngayon, na gawa sa malalaking bato, ay siguradong magigiba at walang maiiwang magkapatong na bato!”
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”
5 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. 6 Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo,[a] at marami ang ililigaw nila. 7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 8 Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®