Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 6:1-9

Mahalin ang Panginoon na inyong Dios

“Ito ang mga utos, katuruan at tuntunin na iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa akin na ituro sa inyo. Sundin ninyo ito sa lupaing inyong aariin doon sa kabila ng Jordan, para kayo at ang mga anak at mga apo ninyo ay gumalang sa Panginoon na inyong Dios habang nabubuhay kayo. Kung susundin ninyo ang lahat ng utos niya at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, mabubuhay kayo nang matagal. Makinig kayo, O mamamayan ng Israel, at sundin ninyo ang kanyang mga utos para maging mabuti ang inyong kalagayan at upang lalo pa kayong dumami sa maganda at masaganang lupain,[a] ayon sa ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno.

“Makinig kayo, O mga mamamayan ng Israel: Ang Panginoon na ating Dios ay iisang Panginoon lang.[b] Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo. Itali ninyo ito sa inyong mga braso o ilagay sa inyong mga noo bilang paalala sa inyo. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong bahay at sa bukana ng pintuan ng inyong mga lungsod.

Salmo 119:1-8

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Hebreo 9:11-14

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman. 13 Ayon sa Kautusan, kung itinuturing na marumi ang isang tao, kailangan siyang wisikan ng dugo ng kambing at toro, at ng abo ng guya para maging malinis. 14 Kung nakakalinis ang mga ito, di lalo na ang dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Banal na Espiritu, inialay ni Cristo ang sarili niya bilang handog na walang kapintasan sa Dios. Ang dugo niya ang lilinis sa ating pusoʼt isipan para matalikuran natin ang mga gawaing walang kabuluhan at paglingkuran ang Dios na buhay.

Marcos 12:28-34

Ang Pinakamahalagang Utos(A)

28 May isang tagapagturo ng Kautusan doon na nakikinig ng pagtatalo nila. Napakinggan niyang mahusay ang sagot ni Jesus, kaya lumapit siya at nagtanong din, “Ano po ba ang pinakamahalagang utos?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan ninyo mga taga-Israel! Ang Panginoon na ating Dios ang natatanging Panginoon. 30 Kaya mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas!’[a] 31 At ang pangalawa ay ito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[b] Wala nang ibang utos na higit pang mahalaga kaysa sa dalawang ito.” 32 Sinabi ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po kayo, Guro! Totoo ang sinabi ninyo na iisa lang ang Dios at wala nang iba. 33 At kailangang mahalin siya nang buong puso, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas. At kailangan ding mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Higit na mahalaga ito kaysa sa lahat ng uri ng handog na sinusunog at iba pang mga handog.” 34 Nang marinig ni Jesus na may katuturan ang mga sagot nito, sinabi niya rito, “Malapit ka nang mapabilang sa kaharian ng Dios.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®