Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 94

Ang Dios ang Hukom ng Lahat

94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
    Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
    kaya sige na po Panginoon,
    gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
    ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”

Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
    Unawain ninyo ito:
Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
    Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
    at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
    Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.

Ruth 3:14-4:6

14 Kaya natulog si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga, pero madilim-dilim pa ay bumangon na si Ruth para hindi siya makilala, dahil ayaw ni Boaz na may makaalam na pumunta si Ruth doon sa giikan niya. 15 Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Dalhin mo rito sa akin ang balabal mo at ilatag mo.” Inilatag ito ni Ruth, at nilagyan ni Boaz ng mga anim na kilong sebada at ipinasan kay Ruth. At bumalik si Ruth[a] sa bayan.

16 Pagdating ni Ruth sa biyenan niya, tinanong siya, “Kumusta, anak?” Ikinuwento naman ni Ruth ang lahat ng ginawa ni Boaz. 17 At sinabi pa ni Ruth, “Ayaw po ni Boaz na umuwi ako sa inyo nang walang dala, kaya binigyan niya ako nitong anim na kilong sebada.” 18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi titigil si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya.”

Nagpakasal si Boaz kay Ruth

Pumunta si Boaz sa pintuang bayan[b] at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,[c] para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”[d]

Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”

1 Timoteo 5:9-16

Ang isama mo lang sa listahan ng mga biyuda na tutulungan ay ang mga hindi bababa sa 60 taong gulang at naging tapat sa asawa niya,[a] 10 kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, bukas ang tahanan sa mga nakikituloy, naglilingkod[b] sa mga pinabanal[c] ng Dios, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.

11 Ngunit huwag mong isama sa listahan ang mga biyuda na bata pa; dahil kung dumating ang panahon na nais nilang mag-asawa ulit, mapapabayaan nila ang paglilingkod kay Cristo. 12 At dahil dito, magkakasala sila dahil magiging walang saysay ang pangako nila na maglingkod na lang kay Cristo. 13 Maliban dito, matututo silang maging tamad at mag-aksaya ng panahon sa pangangapit-bahay. Hindi lang sila magiging tamad kundi magiging tsismosa at pakialamera, at kung anu-ano ang mga sinasabi. 14 Kaya para sa akin, kung ganito lang ang mangyayari, mas mabuti pang muli na lang silang mag-asawa at magkaanak, at mag-asikaso sa sariling pamilya. Sa ganoon, walang masasabing masama ang mga sumasalungat sa atin. 15 Sinasabi ko ito dahil may ilang biyuda na ang tumalikod sa pananampalataya at sumusunod na kay Satanas. 16 Kung ang isang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na biyuda, dapat niya itong tulungan. Sa ganoon, hindi mabibigatan ang iglesya sa pag-aaruga sa kanila, at matutulungan pa ang mga biyuda na talagang wala nang inaasahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®