Revised Common Lectionary (Complementary)
9 Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoong pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno. 10 Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.
11 “Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 12 Wala ito sa langit para magtanong kayo, ‘Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 13 Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, ‘Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 14 Nasa inyo ito, sa bibig at puso ninyo, kaya sundin ninyo ito.
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na kapatid natin.
2 Mahal kong mga taga-Colosas, pinabanal[a] at matatapat na kapatid na nakay Cristo:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Colosas
3 Lagi kaming nagpapasalamat sa Dios na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa tuwing nananalangin kami para sa inyo. 4 Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya nʼyo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios, 5 dahil umaasa kayong makakamtan ninyo ang mga inilaan para sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita. 6 At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios. 7 Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin. 8 Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Banal na Espiritu.
9 Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, patuloy namin kayong ipinapanalangin. Hinihiling namin sa Dios na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Banal na Espiritu para lubusan ninyong malaman ang kalooban niya. 10 Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios. 11 Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, para makatagal at makapagtiis kayo sa lahat ng bagay nang may kagalakan. 12 At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makabahagi sa mamanahin ng mga pinabanal niya, ang manang nasa kinaroroonan ng kaliwanagan. 13 Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. 14 At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan.
Ang Mabuting Samaritano
25 Lumapit kay Jesus ang isang tagapagturo ng Kautusan upang subukin siya. Nagtanong siya, “Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 26 Sumagot si Jesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip.[a] At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[b] 28 “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. “Gawin mo iyan at magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan.”
29 Pero ayaw mapahiya ng tagapagturo, kaya nagtanong ulit siya, “At sino naman po ang kapwa ko?” 30 Bilang sagot sa kanya, nagkwento si Jesus: “May isang taong papunta sa Jerico galing sa Jerusalem. Habang naglalakad siya, hinarang siya ng mga tulisan. Kinuha nila ang mga dala niya, pati na ang suot niya. Binugbog nila siya at iniwang halos patay na sa tabi ng daan. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang pari. Nang makita niya ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. 32 Napadaan din ang isang Levita[c] at nakita niya ang tao, pero lumihis din siya sa kabilang daan at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. 33 Pero may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang taong nakahandusay at naawa siya. 34 Nilapitan niya ang lalaki, hinugasan ng alak ang sugat, binuhusan ng langis at saka binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang tao sa sinasakyan niyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan ng Samaritano ng pera[d] ang may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung kulang pa iyan sa magagastos mo ay babayaran kita pagbalik ko.’ ”
36 Nagtanong ngayon si Jesus sa tagapagturo ng Kautusan, “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang nagpakita na siya ang tunay na kapwa-tao ng biktima ng mga tulisan?” 37 Sumagot siya, “Ang tao pong nagpakita ng awa sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Lumakad ka at ganoon din ang gawin mo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®