Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 111

Pagpupuri sa Dios

111 Purihin ang Panginoon!
    Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
    iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
    At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
    Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
    at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
    at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
    at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
    at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
    Banal siya at kahanga-hanga.

10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
    Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
    Purihin siya magpakailanman.

Bilang 12:1-15

Ang Reklamo nila Miriam at Aaron

12 Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.[a] Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pero narinig ito ng Panginoon.

(Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)

Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda. Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa, sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ito: Kung may propeta ako na nasa inyo, nakikipag-usap ako sa kanya sa pamamagitan ng pangitain at panaginip. Pero hindi ako ganoon makipag-usap ako sa aking lingkod na si Moises na mapagkakatiwalaang pinuno ng aking mga mamamayan. Kung makikipag-usap ako sa kanya, parang magkaharap lang kami dahil ang aking sinasabi sa kanya ay malinaw talaga. Parang nakikita niya ako. Kaya bakit hindi kayo natakot magsalita ng masama laban sa aking lingkod na si Moises?”

Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya. 10 Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat,[b] at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya, 11 sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid[c] ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa aming kasalanang nagawa namin nang may kahangalan. 12 Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam ng isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”

13 Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Dios ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.” 14 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha para pasamain siya ay pagdurusahan niya ang kahihiyan sa loob ng pitong araw? Kaya palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”

15 Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo.

Lucas 5:12-16

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(A)

12 Isang araw, nang nasa isang bayan si Jesus, lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat,[a] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa na pagalingin siya. Sinabi niya, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.” 13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” At gumaling agad ang kanyang sakit. 14 Sinabihan siya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 15 Pero lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya dumating ang napakarami pang mga tao upang makinig sa mga aral niya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Pero laging pumupunta si Jesus sa ilang at doon nananalangin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®