Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Habakuk 1:1-4

Ito ang mensahe ni Propeta Habakuk na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.

Ang Unang Hinaing ni Habakuk

Sinabi ni Habakuk,Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa inyo bago nʼyo ako dinggin? Kailan nʼyo po ba kami ililigtas sa mga karahasang ito? Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan? Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. Kaya naging walang kabuluhan ang kautusan. At wala ring katarungan dahil ang mga taong may kasalanan ang siyang nananalo sa korte, at hindi ang mga taong walang kasalanan. Kaya nababaluktot ang katarungan.”

Habakuk 2:1-4

Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”

Ang Sagot ng Dios kay Habakuk

Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”

Ito ang isulat mo:

“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[a]

Salmo 37:1-9

Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao

37 Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
    at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.

Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
    Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
    at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
    magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
    kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
    at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
    Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
    kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
    Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
Ang masama ay ipagtatabuyan,
    ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.

2 Timoteo 1:1-14

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Sinugo ako ng Dios para ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Cristo Jesus.

Timoteo, minamahal kong anak:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat sa Dios at Paalala kay Timoteo

Nagpapasalamat ako sa Dios na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, kaya nasasabik akong makita ka para maging lubos ang kagalakan ko. Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon. Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Dios, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.

Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita. Iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Tinanggalan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Pinili ako ng Dios na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.

Lucas 17:5-10

Tungkol sa Pananampalataya

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”

Ang Tungkulin ng Alipin

Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’? Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’ Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin. 10 Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®