Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
Ang Kasunduan nina Jacob at Laban
43 Sumagot si Laban, “Ang mga babaeng iyan ay anak ko at ang mga anak nila ay mga apo ko. At ang mga hayop na iyan ay akin din. Lahat ng nakikita mo ay akin. Pero ngayon, ano pa ang magagawa ko sa mga anak at apo ko? 44 Ang mabuti siguro, gumawa tayo ng kasunduan. Magtayo tayo ng batong magpapaalala sa atin at magpapatunay ng kasunduan natin.”
45 Kaya kumuha si Jacob ng malaking bato at itinayo niya ito bilang alaala. 46 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kamag-anak niya na magtumpok ng mga bato. At kumain sila roon sa tinumpok na mga bato. 47 Pinangalanan ni Laban ang tinumpok na mga bato na Jegar Sahaduta.[a] Pero pinangalanan ito ni Jacob na Galeed.[b]
48 Sinabi ni Laban, “Ang mga batong ito na tinumpok ang magpapatunay sa kasunduan nating dalawa.” Ito ang dahilan kung bakit pinangalanan itong tinumpok sa Galeed. 49 Tinawag din iyon na Mizpa,[c] dahil sinabi pa ni Laban, “Nawaʼy ingatan tayo ng Panginoon sa ating paghihiwalay. 50 At kung hindi mabuti ang pakikitungo mo sa mga anak ko, o kayaʼy mag-aasawa ka pa ng iba, alalahanin mo na kahit hindi ko man ito nalalaman, ang Dios ang magpapatunay ng kasunduan natin.”
51 Muli pang sinabi ni Laban kay Jacob, “Narito ang tinumpok na mga bato at ang bato na alaalang magpapatunay ng kasunduan natin. 52 Ang mga tinumpok na batong ito at ang bato na alaala ang siyang magpapatunay ng ating kasunduan na hindi ako lalampas sa tinumpok na mga batong ito para lusubin ka, at hindi ka rin lalampas sa tinumpok na mga batong ito at sa bato na alaala para lusubin ako. 53 Nawaʼy ang Dios ng lolo mong si Abraham at ang Dios ng aking ama na si Nahor, na siya ring Dios ng kanilang amang si Tera, ang siyang humatol sa ating dalawa.”
Nakipagkasundo rin si Jacob kay Laban sa pangalan ng Dios na iginagalang ng ama niyang si Isaac. 54 Naghandog si Jacob ng hayop doon sa bundok, at tinawag niya ang mga kamag-anak niya para kumain. Kinagabihan, doon sila natulog sa bundok.
55 Kinabukasan, maaga pa ay hinagkan ni Laban at binasbasan ang mga anak at apo niya, at umalis siya pauwi.
Naghanda si Jacob sa Pakikipagkita kay Esau
32 Habang naglalakbay sina Jacob, sinalubong siya ng mga anghel ng Dios. 2 Pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya, “Mga sundalo ito ng Dios.” Kaya pinangalanan niya ang lugar na iyon na Mahanaim.[d]
Ang Karapat-dapat na Alagad ng Dios
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito. 17 Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito. 18 Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,”[a] at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”
20 Sa isang malaking bahay, may mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at mayroon ding yari sa kahoy at putik.[b] Ginagamit sa mahahalagang okasyon ang mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at ang mga kasangkapang yari naman sa kahoy at putik ay sa pang-araw-araw na gamit. 21 Ang mga taong lumalayo sa kasamaan ay nabibilang sa mga kasangkapang ginagamit sa mahahalagang okasyon. Nakatalaga sila sa Panginoon, kapaki-pakinabang sa kanya, at laging handa sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso. 23 Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo at kalokohan lamang, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. 24 Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi. 25 Kailangang mahinahon siya sa pagtutuwid sa mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraan ay bigyan sila ng Dios ng pagkakataong magsisi at malaman ang katotohanan. 26 Sa ganoon, maliliwanagan ang isip nila at makakawala sila sa bitag ng diablo na bumihag sa kanila para gawin ang nais nito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®