Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 32:1-7

Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
    at walang pandaraya sa kanyang puso.

Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
    buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
Araw-gabi, hirap na hirap ako
    dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
    Nawalan na ako ng lakas,
    tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
    hindi ko na ito itinago pa.
    Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
    At pinatawad nʼyo ako.

Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
    habang may panahon pa.
    Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
    hindi sila mapapahamak.
Kayo ang aking kublihan;
    iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
    at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.

Isaias 1:1-9

Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz, at Hezekia.

Ang Makasalanang Bansa

Pakinggan ninyo langit at lupa, dahil sinabi ng Panginoon, “Inalagaan koʼt pinalaki ang mga Israelita na aking mga anak, pero nagrebelde sila sa akin. Kahit ang mga bakaʼy kilala ang kanilang tagapag-alaga,[a] at ang mga asnoʼy alam kung saang sabsaban sila pinapakain ng nagmamay-ari sa kanila, pero ang mga mamamayan kong Israelita ay hindi nakakakilala sa akin.”

Sila ay bansang makasalanan, mga taong punong-puno ng kasamaan, lahi ng mga gumagawa ng masama at mapaminsala. Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at siyaʼy tinalikuran nila.

Mga taga-Israel, bakit patuloy kayong nagrerebelde? Gusto pa ba ninyong maparusahan? Para kayong tao na puro sugat ang ulo at ang pusoʼy puno ng sakit. Mula ulo hanggang talampakan, walang bahagi na walang sugat, pasa at pamamaga. Hindi ito nahuhugasan, o nabebendahan, o nagagamot.

Hindi na mapakinabangan ang inyong bansa; sinunog ng mga dayuhan ang mga lungsod ninyo. Kitang-kita ninyong sinasamsam nila ang mga bunga ng inyong pananim. Sinisira nila ang inyong lupain hanggang sa hindi na mapakinabangan. Walang natira kundi ang Jerusalem.[b] Para itong silungan sa isang ubasan o isang kubol sa taniman ng mga pipino na mag-isang nakatayo, at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway. Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay hindi nagtira ng ilan sa atin, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.

Juan 8:39-47

39 Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. 40 Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. 41 Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas.[a] Ang Dios ang aming Ama.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. 43 Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. 44 Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. 45 Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. 46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®