Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 16

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Daniel 4:19-27

Ipinaliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip

19 Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo. 20 Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo, 21 na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga, 22 ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan nʼyo ay abot hanggang langit,[a] at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.”

23 Sinabi pa ni Daniel, “Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.’

24 “Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasan na Dios na mangyari sa inyo: 25 Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin. 26 Tungkol naman po sa sinabi ng anghel na hayaan lang ang tuod, ang ibig sabihin noon ay ibabalik sa inyo ang kaharian nʼyo kung kikilalanin nʼyo na ang Dios ang siyang naghahari sa lahat. 27 Kaya Mahal na Hari, pakinggan nʼyo po ang payo ko: Tigilan nʼyo na po ang inyong kasamaan, gumawa kayo ng matuwid at maging maawain sa mga dukha. Kung gagawin nʼyo po ito, baka sakaling manatili kayong maunlad.”

Colosas 2:6-15

Si Cristo ang Dapat Nating Sundin

Dahil tinanggap nʼyo na si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang karapat-dapat sa kanya. Patuloy kayong lumago at tumibay sa kanya. Magpakatatag kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at maging mapagpasalamat din kayo.

Mag-ingat kayo nang hindi kayo madala ng walang kabuluhan at mapandayang pilosopiya. Mga tradisyon lang ito at mga pamamaraan ng mundo, at hindi mula kay Cristo. Kaya huwag kayong padadala, dahil ang kapuspusan ng Dios ay nananahan sa katawan ni Cristo. 10 At naging ganap kayo sa pakikipag-isa nʼyo sa kanya, na siyang pangulo ng lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.

11 Dahil sa pakikipag-isa nʼyo kay Cristo, tinuli na kayo. Ang pagtutuli na ito ay hindi pisikal kundi espiritwal – ang pag-aalis ng masasamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Inilibing kayong kasama ni Cristo nang bautismuhan kayo. At dahil nakay Cristo na kayo, muli kayong binuhay na kasama niya, dahil nananalig kayo sa kapangyarihan ng Dios na bumuhay sa kanya. 13 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga kasalanan ninyo. Pero ngayon, binuhay kayo ng Dios kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang lahat ng kasalanan natin. 14 May pananagutan dapat tayo sa Dios dahil hindi natin matupad ang Kautusan. Pero inalis ito ng Dios sa pamamagitan ng pagkapako ni Cristo sa krus. Kaya hindi na tayo parurusahan. 15 Doon din sa krus nilupig ng Dios ang mga espiritung namumuno at may kapangyarihan, at ipinakita sa lahat na ang mga ito ay bihag na niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®