Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 16

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Daniel 4:4-18

“Ang aking kalagayan dito sa palasyo ay mabuti at namumuhay ako sa kasaganaan. Pero nagkaroon ako ng nakakatakot na panaginip at pangitain na bumabagabag sa akin. Kaya iniutos ko na dalhin sa akin ang lahat ng marurunong sa Babilonia para ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng aking panaginip. Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo,[a] sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.

“Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Belteshazar na pangalan din ng aking dios. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.)[b] Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip. Sinabi ko, ‘Belteshazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga dios at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip. 10 Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo. 11 Lumaki at tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito kahit saang bahagi ng mundo. 12 Mayabong ang kanyang mga dahon at marami ang kanyang bunga na maaaring kainin ng lahat. Ang mga hayop ay sumisilong dito at ang mga ibon ay namumugad sa kanyang mga sanga. At dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.’

13 “Nakita ko rin sa panaginip ang isang anghel[c] na bumaba mula sa langit. 14 Sumigaw siya, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy na iyan at ang mga sanga nito. Alisin ang mga dahon nito at itapon ang mga bunga. Bugawin ninyo ang mga hayop na sumisilong at ang mga ibon na namumugad sa mga sanga nito. 15 Pero hayaan ninyo ang tuod sa gitna ng kaparangan para maging talian ng bakal at tanso.’

Ang taong sinisimbolo ng punong iyon ay laging mababasa ng hamog at kakain ng damo kasama ng mga hayop. 16 Sa loob ng pitong taon ay mawawala siya sa katinuan at magiging isip-hayop. 17 Ito ang hatol na sinabi ng anghel para malaman ng lahat na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa kaharian ng mga tao. At maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin, kahit na sa pinakaabang tao.

18 “Ito ang panaginip ko, Belteshazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Pero maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga dios.”[d]

1 Timoteo 6:11-21

11 Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. 13 Sa presensya ng Dios na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Cristo Jesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang 14 sundin mong mabuti ang mga iniutos sa iyo para walang masabi laban sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.

17 Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Dios na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. 19 Sa ganoon, makapag-iipon sila ng kayamanan sa langit na hindi mawawala, at matatamo nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin. 21 Dahil sa ganyang pagmamarunong ng ilan, naligaw tuloy sila sa pananampalataya.

Pagpalain ka nawa ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®