Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Panalangin ng Taong Matuwid
26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
4 Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
8 Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan,
gaya ng mga mamamatay-tao.
Palagi silang handang gumawa ng masama,
at nanghihingi ng suhol.
11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,
kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan.
12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b]
kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.
Magtatagumpay ang Israel
17 “Pero may matitirang mga Israelita sa bundok ng Zion, at magiging banal muli ang lugar na ito. Maibabalik sa mga lahi ni Jacob ang mga lupain na dati nilang pag-aari. 18 Ang mga lahi nina Jacob at Jose[a] ay magiging tulad ng apoy na lilipol sa lahi ni Esau, tulad ng pagsunog sa dayami. At walang matitira sa lahi ni Esau.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
19 “Sasakupin ng mga Israelitang taga-Negev[b] ang bundok ni Esau, at sasakupin ng mga Israelitang nakatira sa kaburulan sa kanluran[c] ay sasakupin naman ang lupain ng mga Filisteo. Sasakupin din ng mga Israelita ang lupain ng Efraim at Samaria, at sasakupin naman ng mga lahi ni Benjamin ang Gilead. 20 Sasakupin ng maraming Israelita na galing sa pagkabihag ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Ang mga taga-Jerusalem na binihag sa Sefarad ay sasakupin naman ang mga bayan ng Negev. 21 Aakyat sa Bundok ng Zion ang mga tagapagpalaya ng Israel upang pamahalaan ang mga taong naninirahan sa Bundok ni Esau. At ako, ang Panginoon, ang siyang maghahari.”
Ang Mayaman at si Lazarus
19 “May isang mayamang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing puno ng galis na ang pangalan ay Lazarus. Dinadala siya sa labas ng pintuan ng bakuran ng mayaman. 21 Gusto niyang makakain kahit ng mga tira-tira lang na nahuhulog galing sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya roon ng mga aso at dinidilaan ang mga galis niya. 22 Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. 23 At habang nagdurusa siya sa lugar ng mga patay,[a] nakita niya sa malayo si Lazarus na kasama ni Abraham. 24 Kaya tumawag siya, ‘Amang Abraham, maawa kayo sa akin! Utusan nʼyo po si Lazarus na isawsaw ang daliri niya sa tubig at ipatak sa dila ko para lumamig-lamig ang pakiramdam ko, dahil hirap na hirap ako dito sa apoy.’ 25 Pero sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong noong nabubuhay ka pa sa lupa ay mabuti ang kalagayan mo pero si Lazarus ay hirap na hirap. Ngayon naman ay inaaliw siya rito at ikaw naman ang nahihirapan. 26 Isa pa, hindi maaari ang sinabi mo dahil may malawak na bangin sa pagitan natin. Ang mga nandito sa amin na gustong pumunta riyan ay hindi makakatawid, at ang mga nariyan sa inyo ay hindi rin makakatawid dito.’ 27 Sinabi pa ng mayaman, ‘Kung ganoon, Amang Abraham, nakikiusap ako sa inyo, papuntahin ninyo si Lazarus sa bahay ng aking ama 28 para bigyan ng babala ang lima kong kapatid na lalaki tungkol sa lugar na ito ng paghihirap, nang hindi sila mapunta rito.’ 29 Sumagot si Abraham, ‘Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta. Dapat nilang pakinggan ang mga iyon.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sila makikinig doon, amang Abraham. Pero kung may patay na mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon.’ 31 Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit may patay pa na muling mabuhay at mangaral sa kanila.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®