Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 4:1-2

Pinayuhan ni Moises ang mga Israelita na Maging Masunurin

Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ituturo ko sa inyo. Sundin ninyo ito para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag ninyong dadagdagan o babawasan ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, mula sa Panginoon na inyong Dios. Dapat ninyo itong sundin.

Deuteronomio 4:6-9

Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’ Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng Panginoon na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon. Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng Panginoon. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo.

Salmo 15

Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya

15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
    Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?

Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
    namumuhay ng tama,
    walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
hindi naninirang puri,
    at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
    ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
    Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
    at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
    Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.

Santiago 1:17-27

17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Dios ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng pagkilala natin sa katotohanan,[a] upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.

Pagdinig at Pagsunod

19 Tandaan nʼyo ito, mga minamahal kong kapatid: Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit. 20 Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao para maging matuwid sa paningin ng Dios. 21 Kaya talikuran nʼyo na ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang salita ng Dios na itinanim sa inyong puso na siyang makapagliligtas sa inyo.

22 Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin nʼyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang sarili ninyo. 23 Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Dios pero hindi naman niya tinutupad ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong tumitingin sa salamin 24 na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya. 25 Ngunit ang taong nagsasaliksik at tumutupad sa Kautusang ganap na nagpapalaya, at hindi tagapakinig lang na nakakalimot agad, ay ang taong pagpapalain ng Dios sa mga ginagawa niya.

26 Kung may nag-aakalang siya ay relihiyoso pero hindi naman magawang pigilan ang dila niya, walang silbi ang pagiging relihiyoso niya at niloloko lang niya ang kanyang sarili. 27 Ang pagkarelihiyosong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Dios Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kahirapan nila, at ang pagtalikod sa lahat ng kasamaan sa mundong ito.

Marcos 7:1-8

Ang mga Tradisyon(A)

May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.[a] Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.

Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,

    ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
    ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
    dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’[b]

Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”

Marcos 7:14-15

Ang Nagpaparumi sa Tao(A)

14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.”

Marcos 7:21-23

21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®