Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 5

Panalangin para Ingatan ng Panginoon

O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
    at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
    at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
    Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
    makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
    At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.

O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
    gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
    Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
    laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
    Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
    at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
    Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
    Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
    dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
    magsiawit nawa sila sa kagalakan.
    Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
    Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.

Zacarias 6:9-15

Ang Korona para kay Josue

Sinabi ng Panginoon sa akin, 10 “Kunin mo ang mga regalong pilak at ginto nina Heldai, Tobia, at Jedaya, at pumunta ka agad sa bahay ni Josia na anak ni Zefanias. Silang apat ay nakabalik mula sa Babilonia kung saan sila binihag. 11 Ipagawa mong korona ang mga pilak at ginto, at isuot ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12-13 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,[a] at itatayo niyang muli ang aking templo. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. Ang pari ay tatayo sa tabi ng kanyang trono[b] at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14 Ang korona ay ilalagay sa aking templo bilang pag-alaala kina Heldai,[c] Tobia, Jedaya, at Josia[d] na anak ni Zefanias.”

15 May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios.

1 Pedro 1:3-9

May Inihanda ang Dios para sa Atin

3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa dakila niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang itoʼy nasa langit, walang kapintasan, hindi nasisira, at hindi kumukupas. At sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasang nakalaang ihayag sa huling panahon.

Dahil dito, dapat kayong magalak sa kabila ng ibaʼt ibang pagsubok, dahil ang mga pagsubok na itoʼy panandalian lang, at dapat ninyong maranasan, para masubukan kung talagang tunay ang pananampalataya ninyo. Katulad ng ginto, sinusubok ito sa apoy para malaman kung tunay o hindi. Pero mas mahalaga ang pananampalataya natin kaysa sa ginto na nawawala. Kaya kapag napatunayang tunay ang pananampalataya nʼyo, papupurihan kayoʼt pararangalan pagdating ni Jesu-Cristo. Kahit hindi nʼyo siya nakita ay mahal nʼyo siya, at kahit hindi nʼyo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya. At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig, dahil tinatanggap nʼyo ang bunga ng pananampalataya nʼyo, na walang iba kundi ang inyong kaligtasan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®