Revised Common Lectionary (Complementary)
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Ang Matuwid na Hari
32 May isang hari na maghahari nang matuwid, at ang kanyang mga opisyal ay mamamahala nang may katarungan. 2 Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Ang katulad nilaʼy ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain. 3 Maghahanap at makikinig ang mga tao sa Dios. 4 Ang taong pabigla-bigla ay mag-iisip nang mabuti para malaman niya ang kanyang gagawin. Ang taong hindi alam kung ano ang sasabihin ay makakapagsalita nang mabuti at malinaw. 5 Ang mga hangal ay hindi na dadakilain, at ang mga mandaraya ay hindi na igagalang. 6 Sapagkat kahangalan ang sinasabi ng hangal, at ang masama niyang isipan ay nagbabalak na gumawa ng mga kasamaan. Nilalapastangan niya ang Dios, at pinagkakaitan ang mga nagugutom at nauuhaw. 7 Masama ang pamamaraan ng mandaraya. Ipinapahamak niya ang mga dukha sa pamamagitan ng kanyang kasinungalingan, kahit na sa panahon ng paghingi ng mga ito ng katarungan. 8 Pero ang taong marangal ay may hangarin na palaging gumawa ng mabuti, at itoʼy kanyang tinutupad.
12 Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak,[a] at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito. 14 Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin. 15 Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. 16 At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®