Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:169-176

169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
    dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
    dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
    dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
    Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
    at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
    kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
    dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.

Isaias 10:12-21

12 Pero ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki. 13 Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro; tinalo ko ang kanilang mga hari. 14 Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nangunguha lang ako ng itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”

15 Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya? 16 Kaya magpapadala ang Panginoong Makapangyarihan ng sakit na magpapahina sa malulusog na sundalo ng Asiria. Susunugin ng Panginoon ang mga kayamanan niya sa naglalagablab na apoy. 17 Ang Panginoon na siyang ilaw at banal na Dios ng Israel ay magiging tulad ng naglalagablab na apoy na susunog sa mga matitinik niyang halaman sa loob ng isang araw lang. 18 Kung paanong sinisira ng sakit ang katawan ng tao, sisirain din ng Panginoon ang mga kagubatan at mga bukid ng hari ng Asiria. 19 Iilan lang ang matitirang puno sa kanyang kagubatan. Mabibilang ito kahit ng batang paslit.

20-21 Darating ang araw na ang mga natitirang Israelitang lahi ni Jacob ay hindi na magtitiwala sa Asiria na nagpahirap sa kanila. Magtitiwala na sila sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Magbabalik-loob sila sa Makapangyarihang Dios.

Juan 7:25-36

Nagtanong ang mga Tao kung si Jesus nga ba ang Cristo

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? 26 Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? 27 Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”

28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Dios ang nagsugo sa akin, pero hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil sa mga sinabing ito ni Jesus, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Judio, pero walang humuli sa kanya dahil hindi pa ito ang oras niya. 31 Sa kabila nito, marami pa rin sa mga tao ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Siya na nga ang Cristo, dahil walang makakahigit sa mga himalang ginagawa niya.”

Inutusan ang mga Guwardya sa Templo na Dakpin si Jesus

32 Narinig ng mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus. Kaya inutusan nila at ng mga namamahalang pari ang mga guwardya sa templo na dakpin si Jesus. 33 Sinabi ni Jesus, “Sandali nʼyo na lang akong makakasama, at pagkatapos nitoʼy babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin nʼyo ako, pero hindi nʼyo makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 35 Nagtanungan ang mga pinuno ng mga Judio, “Saan kaya niya balak pumunta at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa mga lugar ng mga Griego, kung saan nagsipangalat ang mga kapwa natin Judio, para mangaral sa mga Griego? 36 Bakit kaya niya sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan’?”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®