Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na Umalis sa Bundok ng Sinai
1 Ang aklat na ito ay tungkol sa mga mensahe na sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nagkakampo sila sa Kapatagan ng Jordan[a] malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. 2 (Mga 11 araw na paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai[b] papunta sa Kadesh Barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.) 3 Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. 4 Nangyari ito matapos matalo ni Moises[c] si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Heshbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot at Edrei. 5 Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya, 6 “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, 7 kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran,[d] sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. 8 Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”
Humirang si Moises ng mga Pinuno sa Bawat Lahi(A)
9 “Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. 10 Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. 11 Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako. 12 Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? 13 Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’
14 “Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano. 15 Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10. 16 Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 17 Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’ 18 At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
Ang Pagkamatay ni Haring Herodes
20 Galit na galit si Haring Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa hari, kinaibigan muna nila si Blastus para tulungan sila, dahil siya ang katiwala ng hari sa palasyo. 21 Nang dumating ang araw na makikipagkita na si Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon, isinuot niya ang damit panghari at umupo siya sa kanyang trono at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga tao, “Isang dios ang nagsasalita at hindi tao!” 23 Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya binigyan ng papuri ang Dios. Inuod siya at namatay.
24 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios at lalo pang dumami ang mga mananampalataya.
25 Samantala, bumalik sina Bernabe at Saulo sa Antioc galing sa Jerusalem[a] matapos nilang maihatid ang tulong sa mga kapatid. Isinama rin nila si Juan Marcos.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®