Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 139:1-18

Ang Karunungan at Kalinga ng Dios

139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
    Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
    Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
Lagi ko kayong kasama,
    at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
    hindi ko kayang unawain.
Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[a] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
    kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.

11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
    at ang gabi ay parang araw.
    Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.

13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
    Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
    Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
    Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
    itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
    Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.

2 Hari 5:1-14

Pinagaling ang Sakit sa Balat ni Naaman

Iginagalang ng hari ng Aram si Naaman na pinuno ng kanyang hukbo, dahil pinagtagumpay ng Panginoon ang Aram sa pamamagitan niya. Matapang siyang sundalo, pero may malubhang sakit sa balat.[a]

Noong lumusob ang mga sundalo ng Aram sa Israel, may nabihag silang dalagita na naging alipin ng asawa ni Naaman. Isang araw, sinabi ng dalagita sa kanyang amo, “Kung makikipagkita lang ang amo ko na si Naaman sa propeta na nasa Samaria, pagagalingin siya nito sa sakit niya sa balat.”

Pumunta si Naaman sa hari at sinabi niya ang sinabi ng dalagita na mula sa Israel. Sinabi ng hari ng Aram, “Lumakad ka, dalhin mo ang sulat ko sa hari ng Israel.” Kaya umalis si Naaman na may dalang regalo na 350 kilong pilak, 70 kilong ginto at sampung pirasong damit. Ito ang mensahe ng sulat na dinala niya sa hari: Ipinadala ko sa iyo si Naaman na aking lingkod para pagalingin mo ang sakit niya sa balat.

Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, pinunit niya ang damit niya at sinabi, “Bakit ipinadala niya sa akin ang taong ito na may malubhang sakit sa balat para pagalingin? Dios ba ako? May kapangyarihan ba ako para pumatay at bumuhay? Gumagawa lang siya ng paraan para makipag-away!” Nang malaman ni Eliseo na lingkod ng Dios ang nangyari, nagpadala siya ng ganitong mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Papuntahin mo sa akin ang taong iyan para malaman niya na may propeta sa Israel.”

Kaya umalis si Naaman sakay ng mga kabayo at karwahe niya at huminto sa pintuan ng bahay ni Eliseo. 10 Nagsugo si Eliseo ng mensahero para sabihin kay Naaman na pumunta siya sa Ilog ng Jordan, lumubog doon ng pitong beses at gagaling siya. 11 Pero nagalit si Naaman at umalis nang padabog. Sinabi niya, “Akala ko, talagang lalabas siya at haharap sa akin. Iniisip ko na tatawagin niya ang Panginoon niyang Dios, at ikukumpas ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balat at pagagalingin ako. 12 Ang mga ilog ng Abana at Farpar sa Damascus ay mas mabuti kaysa sa ibang mga ilog dito sa Israel. Bakit hindi na lang ako roon lumubog para gumaling?” Kaya umalis siyang galit na galit.

13 Pero lumapit ang mga utusan niya at sinabi, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? Pero bakit hindi ninyo magawa ang sinabi niya na maghugas at gagaling kayo.” 14 Kaya pumunta si Naaman sa Ilog ng Jordan at lumubog ng pitong beses, ayon sa sinabi ng lingkod ng Dios. Gumaling nga ang kanyang sakit at kuminis ang kanyang balat gaya ng balat ng sanggol.

Santiago 4:8-17

Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso. Maging malungkot kayo at maghinagpis dahil sa mga kasalanan nʼyo. Palitan nʼyo ng pagdadalamhati ang pagsasaya ninyo. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.

Paalala sa Paghuhusga sa Kapwa

11 Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12 Ngunit ang Dios lang ang nagbigay ng Kautusan at siya lamang ang hukom. Tanging siya ang may kakayahang magligtas at magparusa.[a] Kaya sino ka para husgahan ang kapwa mo?

Paalala sa Pagmamalaki

13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon ng isang taon, magnenegosyo, at kikita ng malaki.” 14 Sa katunayan, hindi nʼyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos. 15 Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin.” 16 Ngunit sa ngayon, nagmamalaki at nagmamayabang kayo. Ang ganyang pagyayabang ay masama.

17 Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, pero hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®