Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 106:1-6

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.

Salmo 106:13-23

13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.

Salmo 106:47-48

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

Deuteronomio 4:21-40

21 “Nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana. 22 Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon. 23 Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng Panginoon na inyong Dios, 24 at ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang dios. Parang apoy na nakakatupok kapag nagparusa ang Panginoon na inyong Dios.

25 “Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios at makakapagpagalit ito sa kanya.

26 “Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong mamanahin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo roon sa sandaling panahon lang, at pagkatapos ay malilipol kayo ng lubusan. 27 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo roon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng Panginoon. 28 At doon na kayo sasamba sa mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy. 29 Ngunit kung hahanapin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso. 30 Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa Panginoon na inyong Dios at susundin ninyo siya. 31 Sapagkat maawain ang Panginoon na inyong Dios, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno.

May Iisa lang na Dios

32 “Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Dios ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito. 33 Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Dios mula sa apoy, kagaya ninyo? 34 Mayroon pa bang ibang Dios na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Pero iyan ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios doon sa Egipto, at kayo mismo ang nakakita nito. 35 Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Dios, at wala nang iba pa. 36 Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang boses mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa para makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito. 37 At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan. 38 Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupain, ibinigay niya ito sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon.

39 “Kaya kilalanin ninyo ang araw na ito at itanim sa inyong mga puso na ang Panginoon ay Dios sa langit at sa lupa, at wala nang iba pang dios. 40 Sundin ninyo ang kanyang mga utos at tuntunin na ibinigay ko sa inyo ngayon para walang masamang mangyari sa inyo at sa inyong salinlahi, upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios magpakailanman.”

Marcos 7:9-23

Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10 Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[a] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[b] 11 Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(A)

14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16 [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]

17 Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20 Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®