Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
33 Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!” 34 Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan. 35 Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit. 36 Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.
37 Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata. 38 Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop. 39 Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.
40 Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Egipto ang buong mamamayan ng Panginoon. 42 Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Egipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taun-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Ang Banal na Hapunan(A)
17 Tungkol sa bagay na tatalakayin ko ngayon ay hindi ko kayo mapupuri, dahil ang mga pagtitipon ninyo ay nakakasama sa halip na nakakabuti. 18 Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon-tipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at medyo naniniwala ako na iyan nga ang nangyayari. 19 Kinakailangan sigurong mangyari iyan para malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya. 20 Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan,[a] hindi tama ang ginagawa ninyo, 21 dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®