Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 36

Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios

36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
    kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
    hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
    Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
    Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
    at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.

Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
    ay umaabot hanggang sa kalangitan.
Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
    Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
    Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
    Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
    tulad ng pagkalinga ng inahing manok
    sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
    at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
    Pinapaliwanagan nʼyo kami,
    at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
    at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
    o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
    Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.

Genesis 45:1-15

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Hindi na mapigilan ni Jose ang kanyang sarili, kaya pinalabas niya ang kanyang mga alipin. At nang sila na lamang ang naroon, nagpakilala siya sa kanyang mga kapatid. Umiyak nang malakas si Jose kaya narinig ito ng mga Egipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako si Jose! Totoo bang buhay pa ang ating ama?” Pero hindi nakasagot sa kanya ang mga kapatid niya dahil natulala sila.

Kaya sinabi ni Jose, “Lumapit kayo sa akin.” Nang lumapit na sila, sinabi niya, “Ako si Jose na kapatid ninyo, ang ipinagbili at dinala nʼyo rito sa Egipto. Ngayon, huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito, dahil ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo. Ikalawang taon pa lang ito ng taggutom, at may susunod pang limang taon na walang ani. Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.

“Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto. Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin. 11 Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”

12 Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo. 13 Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”

14 Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose. 15 Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.

Gawa 7:9-16

“Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®