Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 81

Papuri sa Kabutihan ng Dios

81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
    Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
    Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
    May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
    kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
    Mula sa mga alapaap,
    sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
    Makinig sana kayo sa akin!
Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
    Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
    Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
    Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
    pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”

1 Hari 17:1-16

Nagdala ng Pagkain ang Uwak kay Elias

17 May isang propeta na ang pangalan ay Elias. Nakatira siya sa Tisbe na sakop ng Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulan na darating sa loob ng ilang taon hanggaʼt hindi ko sinasabi na umulan o humamog.”

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias, “Umalis ka rito, tuntunin mo ang daan pasilangan at magtago ka sa daluyan ng tubig Kerit, sa bandang silangan ng Jordan. Sa ilog ka uminom, at uutusan ko ang mga uwak na magdala sa iyo ng pagkain doon.” Sinunod ni Elias ang utos ng Panginoon sa kanya. Pumunta siya sa daluyan ng tubig sa Kerit, sa bandang silangan ng Jordan at doon nanirahan. Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi, at sa ilog siya umiinom.

Ang Biyuda sa Zarefat

Kinalaunan, natuyo ang ilog dahil hindi na umuulan. Iniutos agad ng Panginoon kay Elias, “Pumunta ka sa Zarefat sa Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan kong magpapakain sa iyo.” 10 Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.” 11 Nang paalis na ang biyuda para kumuha ng tubig, sinabi pa sa kanya ni Elias, “Pakiusap dalhan mo rin ako ng tinapay.”

12 Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga. Nangunguha nga po ako ng ilang pirasong kahoy dito para dalhin sa bahay at lutuin ang natitirang harina para sa akin at sa anak ko, at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami sa gutom.”

13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Umuwi ka at gawin ang sinabi mo. Pero ipagluto mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natirang harina, at dalhin mo agad ito sa akin. Pagkatapos, magluto ka rin para sa iyo at sa anak mo. 14 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” 15 Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak.[a] 16 Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Efeso 5:1-14

Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan

Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.

Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.

Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail. Huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) 10 Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila. 12 (Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.) 13 Pero kung pagsasabihan nʼyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. 14 Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag ng katotohanan. Kaya nga sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay
at liliwanagan ka ni Cristo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®