Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 88

Panalangin ng Nagdurusa

88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
    Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
    Para akong patay na inilagay sa libingan,
    kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
Sobra ang galit nʼyo sa akin,
    parang mga alon na humahampas sa akin.
Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
    Nakulong ako at hindi na makatakas.
Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
    Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
    Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
    Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
    Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
    Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
    Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
    Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
    wala akong naging kasama kundi kadiliman.

Leviticus 21:1-15

Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari

21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:

Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[a] para sa akin na siyang pagkain ko.

Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[b] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[c]

Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.

10 Kung ang punong pari[d] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.

13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.

2 Corinto 8:16-24

16 Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo. 17 Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan. 18 Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita. 19 Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumama sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong. 20 Isinusugo namin siya kasama si Tito dahil nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito. 21 Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao.

22 Kasama nila sa pagpunta riyan ang isa pang kapatid sa pananampalataya, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil malaki ang kanyang tiwala sa inyo. 23 Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Cristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal para mapatunayan nila na talagang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at malaman din ito ng ibang iglesya sa pamamagitan nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®