Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 100

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

100 Kayong mga tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
    Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
    Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
    Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
    Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
    at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!

2 Samuel 5:1-12

Naging Hari si David ng Israel(A)

Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami. Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”

Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel. Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon. Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.

Sinakop ni David ang Jerusalem

Isang araw, pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Jerusalem para salakayin ang mga Jebuseo na nakatira roon. Sinabi ng mga Jebuseo kay David, “Hindi kayo makakapasok dito sa Jerusalem! Kahit mga bulag at pilay ay kaya kayong pigilan para hindi kayo makapasok.” Sinabi nila ito dahil iniisip nilang hindi makakapasok sina David. Pero nasakop ni David at ng mga tauhan niya ang matatag na kampo ng Zion, na tinatawag ngayong Lungsod ni David.

Nang hindi pa napapasok ni David ang Jerusalem, sinabi niya sa mga tauhan niya, “Doon kayo dumaan sa daanan ng tubig para makapasok kayo sa Jerusalem at talunin nʼyo ang mga ‘bulag at pilay’ na mga Jebuseo. Kinamumuhian ko sila!” Diyan nagsimula ang kasabihang “Hindi makakapasok ang mga bulag at pilay sa bahay ng Panginoon.”

Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod. 10 Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.

11 Nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero, at may dala silang mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. 12 At naunawaan ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari ng Israel at nagpaunlad ng kaharian niya para sa mga mamamayang Israelita.

Lucas 15:1-7

Ang Nawawalang Tupa(A)

15 Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang pumunta kay Jesus upang makinig sa kanya. Kaya nagreklamo ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Ang taong itoʼy tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila.” Kaya kinuwentuhan sila ni Jesus, “Kung kayo ay may 100 tupa at nawala ang isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi baʼt iiwan ninyo ang 99 sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa makita ninyo? At kapag nakita na ninyo, masaya ninyo itong papasanin pauwi. Pagkatapos, tatawagin ninyo ang inyong mga kaibigan at kapitbahay ninyo at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa.’ ” At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya sila roon dahil sa isang makasalanang nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®