Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:81-88

81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
    ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
    Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
    Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
    hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
    Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
    upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.

Ezekiel 2:8-3:11

“Pero ikaw, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang magiging rebelde tulad nila. Ibuka mo ang bibig mo at kainin ang ibibigay ko sa iyo.” At nakita ko ang isang kamay na nag-aabot sa akin ng isang nakarolyong kasulatan. 10 Iniladlad niya ito sa harap ko at may mga salitang nakasulat sa harap at sa likod nito. Ang nakasulat ay malulungkot na mensahe, mga panaghoy at pagdadalamhati.

Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang aklat na ito, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila.” Kaya ibinuka ko ang bibig ko at isinubo niya sa akin ang nakabilot na aklat. Sinabi niya sa akin, “Sige, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” Kinain ko ang aklat, matamis ang lasa nito gaya ng pulot.

Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo. Hindi kita isinusugo sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, kundi sa mga mamamayan ng Israel. Sapagkat kung susuguin kita sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, tiyak na pakikinggan ka nila. Pero ang mga mamamayan ng Israel ay hindi makikinig sa iyo, dahil ayaw nilang makinig sa akin. Lahat sila ay matitigas ang ulo at mga lapastangan. Pero gagawin kitang mas matigas at mas manhid kaysa sa kanila katulad ng isang batong matigas. Kaya huwag kang matatakot sa kanila, dahil nalalaman mo na rebelde silang mamamayan.”

10 Sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, makinig kang mabuti at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo. 11 Puntahan mo ang mga kababayan mo na kasama mong binihag at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios,’ makinig man sila o hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”

2 Corinto 11:16-33

Ang mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag ninyong isipin na isa akong hangal. Pero kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti. 17 Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal. 18 Pero dahil sa marami riyan ang nagmamalaki tulad ng mga taong makamundo, magmamalaki rin ako. 19 Sinasabi ninyong matatalino kayo, pero hinahayaan lamang ninyong diktahan kayo ng mga hangal. 20 Sa katunayan, hinahayaan lang ninyo na alipinin kayo, agawan ng mga ari-arian, pagsamantalahan, pagmataasan, at hamakin. 21 Nakakahiya mang aminin na mahihina kami, pero hindi namin kayang gawin ang mga iyan!

Kung may magmamalaki riyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko. 22 Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Judio, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin! 23 Sila baʼy mga lingkod ni Cristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, pero ako rin ay lingkod ni Cristo, at higit pa nga kaysa sa kanila! Dahil higit akong nagpakahirap kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit, at nalagay sa bingit ng kamatayan. 24 Limang beses akong tumanggap ng 39 na hagupit sa kapwa ko mga Judio. 25 Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga sundalong Romano. Minsan na rin akong pinagbabato ng mga Judio. Tatlong beses kong naranasan na lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy buong araw at gabi akong palutang-lutang sa dagat. 26 Sa aking paglalakbay sa ibaʼt ibang lugar, nalagay ako sa panganib: sa pagtawid sa mga ilog, sa mga tulisan, sa kapwa ko mga Judio, sa mga hindi Judio, sa mga lungsod, sa mga ilang, sa dagat, at sa mga taong nagpapanggap na mga kapatid kay Cristo.

27 Naranasan ko rin ang sobrang hirap at pagod, at kawalan ng tulog. Naranasan ko ang magutom, mauhaw, kadalasaʼy walang makain, at naranasan kong ginawin dahil sa kakulangan ng maisusuot. 28 Maliban sa iba pang mga karanasan na hindi ko nabanggit, inaalala ko pa araw-araw ang kalagayan ng lahat na iglesya. 29 Kung may nanghihina sa pananampalataya, nalulungkot ako. At kung may nagkakasala, naghihirap ang kalooban ko.

30 Kung kailangan kong magmalaki, ang ipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling, at alam iyan ng Dios at Ama ng ating Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Noong akoʼy nasa lungsod ng Damascus, pinabantayan ng gobernador na sakop ni Haring Aretas ang pintuan ng lungsod para dakpin ako. 33 Ngunit inilagay ako ng aking mga kasama sa isang kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod, kaya nakatakas ako.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®