Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Ito pa ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa pader at may hawak na hulog[a] na ginagamit para malaman kung tuwid ang pagkagawa ng pader. 8 Tinanong ako ng Panginoon, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Hulog po.” Sinabi niya sa akin, “Batay sa aking panukat, hindi matuwid ang buhay ng mga mamamayan kong Israelita. Kaya ngayon hindi ko na sila kaaawaan. 9 Gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar[b] na sinasambahan ng mga Israelita na lahi ni Isaac. At ipapasalakay ko sa mga kaaway ng Israel ang kaharian ni Haring Jeroboam.”
Si Amos at si Amazia
10 Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya, “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi. 11 Sinasabi niya, ‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan, at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
12 Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta. 13 Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Dios dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.” 14 Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod[c] ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro. 15 Pero sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan.
8 Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
9 Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. 12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. 13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” 15 Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.
16 Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!” 17 Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa. 18 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid. 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes. 20 Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21 Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon. 22 Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.” 23 At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian. 24 Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina kung ano ang hihilingin niya. Sinabihan siya ng kanyang ina na hingin ang ulo ni Juan na tagapagbautismo. 25 Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.” 26 Labis itong ikinalungkot ng hari, pero dahil nangako siya sa harap ng mga bisita niya, hindi siya makatanggi sa dalaga. 27 Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang sundalo upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang sundalo sa bilangguan at pinugutan ng ulo si Juan, 28 inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®