Revised Common Lectionary (Complementary)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
Ang mga Tinapay na Inihahandog sa Presensya ng Dios
5 Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina. 6 Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng Panginoon. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay. 7 Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid[a] ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang Panginoon. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay. 8 Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman. 9 Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.
19 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. 22 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. 23 Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®