Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan
74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
4 Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
5 Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
7 Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
9 Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
Kumilos na kayo![a]
Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.
17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?” 18 Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal. 19 Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”
20 Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel. 21 Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.
22 Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta. 23 Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan. 24 Pagkatapos, manalangin kayo sa inyong dios, at mananalangin din ako sa Panginoon. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang totoong Dios.” At sumang-ayon ang mga tao.
25 Sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Kayo ang mauna dahil marami kayo. Mamili kayo ng isang toro at ihanda ninyo. Manalangin na kayo sa inyong dios, pero huwag ninyong sisindihan ang gatong.” 26 Kaya kinuha ng mga propeta ni Baal ang toro na dinala sa kanila, at inihanda ito. Pagkatapos, nanalangin sila kay Baal mula umaga hanggang tanghali. Sumigaw sila, “O Baal, sagutin mo kami!” Sumayaw-sayaw pa sila sa paligid ng altar na ginawa nila. Pero walang sumagot.
27 Nang tanghaling-tapat na, ininsulto na sila ni Elias. Sabi niya, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga,[a] o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin.” 28 Kaya sumigaw pa sila nang malakas at sinugatan ang mga katawan nila ng sibat at espada ayon sa kinaugalian nila, hanggang sa dumanak ang dugo. 29 Lumipas ang tanghali, tuloy-tuloy pa rin ang pagsigaw nila hanggang lumampas na ang takdang oras ng paghahandog,[b] pero wala pa ring sumagot sa kanila.
30 Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba. 31 Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel. 32 Ginawa niyang altar ang mga bato para sa Panginoon at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Ang kanal ay kayang malagyan ng tatlong galong butil. 33 Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.” Matapos nilang gawin ito, 34 sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias, 35 at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.
36 Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob,[c] patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo. 37 Panginoon, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang Panginoon, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”
38 Dumating agad ang apoy na galing sa Panginoon, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal. 39 Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Dios! Ang Panginoon ang siyang Dios!” 40 Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay.
Ang Pagkatalo ni Satanas
7 Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan. 8 Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma sa mga mananampalataya. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang bilangin. 9 Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Pero pauulanan sila ng Dios ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat. 10 At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.
Ang Huling Paghatol
11 Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita. 12 At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon. 13 Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila. 14-15 At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang Hades.[a] Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®