Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
34-35 “Nang marinig ng Panginoon ang pagrereklamo ninyo, nagalit siya at sumumpang, ‘Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno, 36 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune. Makikita niya ito, at ibibigay ko sa kanya at sa angkan niya ang lupaing ito na kanyang minanmanan, dahil buong puso niya akong sinunod.’
37 “Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, ‘Kahit na ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon. 38 Pero ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo siya dahil siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin sa lupain.’
39 “Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa ating lahat, ‘Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, pero sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at magiging pag-aari nila. 40 Pero kayo, babalik kayo sa ilang papunta sa Dagat na Pula.’
Ang Bagong Katawan
5 Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. 2 Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. 3 At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. 4 Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. 5 Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®