Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 78:1-4

Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
    Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
Napakinggan na natin ito at nalaman.
    Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
    sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
    Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.

Salmo 78:52-72

52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
    Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
    doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
    naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
    Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[a]
59 Alam[b] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
    kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
    kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[c]
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
    at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
    inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[d]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
    Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.

Exodus 16:27-36

27 May mga tao pa ring lumabas para manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita. 28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at katuruan? 29 Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Dapat manatili sa bahay niya ang bawat isa sa ikapitong araw. Walang lalabas para kumuha ng pagkain.” 30 Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.

31 Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na ‘manna’ para sa susunod pang mga henerasyon, para makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Egipto.”

33 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na ‘manna’. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa presensya ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon.” 34 Sinunod ito ni Aaron ayon sa sinabi ng Panginoon kay Moises. Inilagay ni Aaron ang “manna” sa Kahon ng Kasunduan para maitago. 35 Kumain ang mga Israelita ng “manna” sa loob ng 40 taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan. 36 (Bawat araw, nag-iipon ang bawat isa sa kanila ng isang “omer” na “manna”, mga isang salop).

Gawa 15:1-5

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May mga taong galing sa Judea na pumunta sa Antioc at nagturo sa mga kapatid doon na silang mga hindi Judio ay hindi maliligtas kung hindi sila magpapatuli ayon sa kaugaliang itinuro ni Moises. Hindi ito sinang-ayunan nina Pablo at Bernabe, at naging mainit ang pagtatalo nila tungkol dito. Kaya nagkaisa ang mga mananampalataya roon na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pang mga mananampalataya sa Antioc, para makipagkita sa mga apostol at sa mga namumuno sa iglesya tungkol sa bagay na ito.

Kaya pinapunta ng iglesya sina Pablo. At nang dumaan sila sa Fenicia at sa Samaria, ibinalita nila sa mga kapatid na may mga hindi Judio na sumampalataya kay Cristo. Nang marinig nila ito, tuwang-tuwa sila. Pagdating nina Pablo sa Jerusalem tinanggap sila ng iglesya, ng mga apostol, at ng mga namumuno sa iglesya. Ibinalita nila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. Pero tumayo ang ilang mananampalatayang miyembro ng grupo ng mga Pariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga hindi Judio at utusang sumunod sa Kautusan ni Moises.”

Gawa 15:22-35

Ang Sulat para sa mga Hindi Judio

22 Nagkasundo ang mga apostol, ang mga namumuno sa iglesya at ang lahat ng mga mananampalataya na pipili sila ng mga lalaki mula sa kanilang grupo na ipapadala sa Antioc, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang napili nilaʼy si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas. Ang mga taong ito ay iginagalang ng mga mananampalataya, 23 at sila ang magdadala ng sulat na ito:

Mula sa mga apostol at mga namumuno sa iglesya.

Mahal naming mga kapatid na hindi Judio riyan sa Antioc, Syria at Cilicia:

24 “Nabalitaan namin na may mga taong mula rito sa amin na pumunta riyan at nilito ang inyong kaisipan dahil sa kanilang itinuro. Hindi namin sila inutusan na pumunta riyan at magturo ng ganoon. 25 Kaya nang marinig namin ito, napagkaisahan naming pumili ng mga tao na ipapadala namin sa inyo para sabihin ang mga bagay na aming napagkasunduan. Kasama nila sina Bernabe at Pablo na minamahal nating mga kapatid. 26 Sina Bernabe at Pablo ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Sasabihin din nina Judas at Silas na aming ipinadala sa inyo ang tungkol sa mga nilalaman ng sulat na ito. 28 Nagkasundo kami ayon sa patnubay ng Banal na Espiritu na huwag nang dagdagan pa ang mga dapat ninyong sundin maliban sa mga ito: 29 Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan; huwag kayong kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. At iwasan ninyo ang sekswal na imoralidad. Mabuting iwasan ninyo ang mga bagay na ito. Hanggang dito na lang.”

30 At umalis nga ang mga taong ipinadala nila. Pagdating nila sa Antioc, tinipon nila ang lahat ng mga mananampalataya at ibinigay nila agad ang sulat. 31 Tuwang-tuwa sila nang mabasa ang nilalaman ng sulat na nakapagpasigla sa kanila. 32 Sina Judas at Silas ay mga propeta rin, at marami ang kanilang itinuro sa mga kapatid para palakasin ang kanilang pananampalataya. 33 Pagkatapos ng ilang araw na pananatili roon, bumalik sila sa Jerusalem, sa mga nagpadala sa kanila. Pero bago sila umalis, ipinanalangin muna sila ng mga kapatid na maging maayos ang kanilang paglalakbay. [34 Pero nagpasya si Silas na magpaiwan doon.] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe ng ilang araw sa Antioc. Marami silang kasamang nagtuturo at nangangaral ng salita ng Panginoon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®