Revised Common Lectionary (Complementary)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba
23 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.
Ang Araw ng Pamamahinga
3 May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa(A)
4 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon. 5 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. 6 At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. 7 Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 8 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.
Ang Pag-ibig ng Dios
31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay din niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Dios? Ang Dios na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Cristo Jesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Dios at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,[a] panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.”[b]
37 Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. 38-39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®