Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Jeremias 10:17-25

Ang Kapahamakang Darating

17 Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at umalis, dahil malapit nang salakayin ang lungsod ninyo. 18 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama nʼyo ang galit ko.”

19 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Nakakaawa tayo dahil sa kapahamakan natin. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin. 20 Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”

21 Nangyari ito sa atin dahil hangal ang mga pinuno natin. Hindi sila lumapit sa Panginoon para sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at nangalat ang mga taong nasasakupan nila. 22 Pakinggan nʼyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.[a]

Ang Panalangin ni Jeremias

23 Panginoon, alam ko po na ang buhay ng tao ay hindi kanya. Hindi siya ang may hawak ng kinabukasan niya. 24 Ituwid nʼyo po kami[b] Panginoon, nang nararapat sa amin. Huwag nʼyo po itong gawin nang dahil sa inyong galit, baka wala ng matira sa amin. 25 Ipadama nʼyo po ang inyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo. Sapagkat inubos po nila ang lahi ni Jacob at winasak ang mga tahanan nila.

Gawa 17:16-31

Nangaral si Pablo sa Athens

16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. 19 Isinama nila si Pablo sa pinagtitipunan ng mga namumuno sa bayan, na tinatawag na Areopagus. Sinabi nila sa kanya, “Gusto naming malaman ang bagong aral na itinuturo mo. 20 Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.” 21 (Sinabi nila ito dahil ang mga taga-Athens at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)

22 Kaya tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao roon sa Areopagus at sinabi, “Mga taga-Athens! Nakita kong napakarelihiyoso ninyo. 23 Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: ‘Para sa hindi nakikilalang Dios.’ Itong Dios na inyong sinasamba na hindi pa ninyo kilala ay ang Dios na aking ipinangangaral sa inyo. 24 Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na ginawa ng mga tao. 25 Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin. 26 Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa. 27 Ang lahat ng itoʼy ginawa ng Dios upang hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Pero ang totoo, ang Dios ay hindi malayo sa atin, 28 ‘dahil sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’ 29 Dahil tayo nga ay mga anak ng Dios, huwag nating isipin na ang Dios ay katulad ng dios-diosang ginto, pilak, o bato na pawang imbento ng isip at kamay ng tao. 30 Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Dios, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Dios ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain. 31 Sapagkat nagtakda ang Dios ng araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao rito sa mundo sa pamamagitan ng taong kanyang pinili. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®