Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Jeremias 12:1-13

Ang mga Reklamo ni Jeremias

12 Panginoon, kapag nagrereklamo po ako sa inyo, palaging makatarungan ang tugon ninyo. Pero ngayon, may tanong po ako tungkol sa katarungan nʼyo: Bakit po umuunlad ang masasamang tao? Bakit po mapayapa ang buhay ng mga taong taksil sa inyo? Pinagpapala nʼyo po sila na parang punongkahoy na nag-uugat, lumalago, at namumunga. Pinupuri po nila kayo ng mga bibig nila pero hindi galing sa puso nila. Ngunit kilala nʼyo po ako Panginoon. Nakikita nʼyo ang mga ginagawa ko at alam po ninyo kung ano ang nasa puso ko. Kaladkarin nʼyo po ang mga taong ito na parang mga tupa patungo sa katayan. Ihiwalay po ninyo sila para katayin. Hanggang kailan po kaya ang pagkatuyo ng lupa at ang pagkalanta ng mga damo? Namamatay na po ang mga hayop at mga ibon dahil sa kasamaan ng mga taong nakatira sa lupaing ito. At sinasabi pa nila, “Walang pakialam ang Dios sa sasapitin natin.”

Ang Sagot ng Panginoon

Sinabi ng Panginoon, “Jeremias, kung napapagod ka sa pakikipaghabulan sa mga tao, di lalo na sa mga kabayo? Kung nadadapa ka sa lugar na patag, di lalo na sa kagubatan na malapit sa Ilog ng Jordan? Kahit na ang iyong mga kapatid at kamag-anak ay nagtaksil sa iyo. Nagbalak sila ng masama laban sa iyo. Huwag kang magtiwala sa kanila kahit na mabuti ang sinasabi nila.

“Itatakwil ko ang mga mamamayan ko, ang bansang pag-aari ko. Ibibigay ko ang minamahal kong mga mamamayan sa mga kaaway nila. Lumaban sila sa akin na parang leon na umaatungal sa kagubatan, kaya nagalit ako sa kanila. Naging kasuklam-suklam sila sa akin na parang ibong mandaragit. At sila mismoʼy napapalibutan ng mga ibong mandaragit. Titipunin ko ang mababangis na hayop para kainin sila nito. 10 Wawasakin ng maraming pinuno ang Juda na itinuturing kong aking ubasan. Tatapak-tapakan nila itong magandang lupain at gagawing ilang. 11 Gagawin nila itong malungkot na lugar at magiging walang kabuluhan sa akin. Magiging ilang ang lupaing ito, dahil wala nang magmamalasakit dito. 12 Darating ang mga mangwawasak sa lugar na ilang. Gagamitin ko sila bilang espada na wawasak sa buong lupain, at walang makakatakas. 13 Magtatanim ng trigo ang mga mamamayan ko, pero aani sila ng tinik. Magtatrabaho sila nang husto pero wala silang pakikinabangan. Mag-aani sila ng kahihiyan dahil sa matinding galit ko.”

Lucas 18:35-43

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(A)

35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[a] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®