Revised Common Lectionary (Complementary)
42 Isang araw, may isang lalaking galing sa Baal Shalisha na nagdala kay Eliseo ng isang sako na may lamang 20 tinapay na gawa sa unang ani ng sebada at mga bagong aning butil. Sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo iyan sa grupo ng mga propeta[a] para kainin.” 43 Sinabi ng katulong niya, “Paano ko po ito mapagkakasya sa 100 tao?” Sumagot si Eliseo, “Ibigay mo ito sa kanila para kainin. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Makakakain sila at may matitira pa.” 44 Kaya ibinigay niya ito sa kanila, at kumain sila at may natira pa, ayon sa sinabi ng Panginoon.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.
Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[a] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
6 Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. 3 Umakyat si Jesus at ang mga tagasunod niya sa isang bundok at naupo roon. 4 (Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel.) 5 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” 6 (Tinanong niya ito upang subukan si Felipe, kahit alam na niya ang kanyang gagawin.) 7 Sumagot si Felipe, “Sa dami po nila, ang walong buwan na sahod ng isang tao ay hindi sapat para pakainin ng kahit tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi naman ng isa sa mga tagasunod niyang si Andres na kapatid ni Pedro, 9 “May isang batang lalaki rito na may limang tinapay at dalawang isda. Pero kakasya ba naman ito sa dami ng tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Umupo naman ang mga tao dahil madamo sa lugar na iyon. Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga 5,000 na. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. 12 Pagkakain nila, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” 13 Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng 12 basket.
14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!” 15 Alam ni Jesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at muling umakyat nang mag-isa sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Nang gumagabi na, nagpunta ang mga tagasunod ni Jesus sa tabi ng lawa. 17 Madilim na at wala pa rin si Jesus, kaya sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum. 18 At habang tumatawid sila, nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. 19 Nang nakasagwan na sila ng mga anim o limang kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanilang bangka. At natakot sila. 20 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®