Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Ang Tatlong Panauhin ni Abraham
18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.
3 At sinabi, “Panginoon,[b] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. 4 Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. 5 Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”
6 Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” 7 Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. 8 Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.
9 Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”
Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. 11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) 12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”
13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ 14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”
Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong
10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin. 14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan nʼyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala nʼyo sa akin sa pamamagitan ni Epafroditus, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. 20 Purihin natin ang ating Dios at Ama magpakailanman. Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®