Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 142

Panalangin para Iligtas ng Dios

142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
    Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
    Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
    Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
    Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
    kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
    dahil wala na akong magawa.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
    dahil silaʼy mas malakas sa akin.
Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
    upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
    At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
    dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.

Amos 5:1-9

Ang Panawagan sa Pagsisisi

Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:

Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.
    Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.

Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira. Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo. Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel. Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.[a] Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi[b] at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”

Ang Dios ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan para pumunta sa mga ulap upang muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan. Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan,[c] at dinudurog ang napapaderang lungsod.

Gawa 21:27-39

Hinuli si Pablo

27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).

30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®