Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 34:1-8

Ang Kabutihan ng Dios

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
    Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
    maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
    at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
    Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
    at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
    Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
    at ipinagtatanggol niya sila.

Subukan ninyo at inyong makikita,
    kung gaano kabuti ang Panginoon.
    Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!

2 Samuel 17:15-29

15 Sinabi ni Hushai sa mga paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga tagapamahala ng Israel, at pati na rin ang ibinigay niyang payo. 16 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ipaalam nʼyo agad kay David na huwag siyang magpaiwan sa tawiran ng Ilog ng Jordan sa disyerto ngayong gabi, tumawid sila agad sa ilog para hindi sila mamatay.”

17 Nang mga panahong iyon, naghihintay sina Jonatan na anak ni Abiatar at Ahimaaz na anak ni Zadok sa En Rogel, dahil ayaw nilang makitang labas-masok sila ng Jerusalem. Pinapapunta na lang nila ang isang aliping babae para sabihin sa kanila ang nangyayari, at saka nila ito sasabihin kay David. 18 Pero isang araw, nakita sila ng isang binatilyo, kaya sinabi niya ito kay Absalom. Kaya nagmamadaling umalis ang dalawa, at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim. Mayroong balon ang lalaking ito na malapit sa bahay niya, at doon, bumaba sina Jonatan at Ahimaaz para magtago. 19 Kumuha ng takip ang asawa ng lalaki, tinakpan ang balon, at nagbilad siya ng butil sa ibabaw nito para walang maghinalang may nagtatago roon. 20 Nang makarating ang mga tauhan ni Absalom sa bahay ng lalaki, tinanong nila ang asawa nito, “Nakita nʼyo ba sina Ahimaaz at Jonatan?” Sumagot ang asawa, “Tumawid sila sa ilog.” Hinanap sila ng mga tauhan pero hindi sila nakita, kaya bumalik sila sa Jerusalem.

21 Nang makaalis ang mga tauhan ni Absalom, lumabas sina Jonatan at Ahimaaz sa balon, at pumunta sila kay David. Sinabi nila sa kanya “Tumawid po kayo agad sa ilog dahil nagpayo si Ahitofel na patayin kayo.” 22 Kaya tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at kinaumagahan, nakatawid na sila sa kabila.

23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang payo niya, sumakay siya sa asno niya at umuwi sa bayan niya. Pagkatapos niyang magbigay ng mga habilin sa sambahayan niya, nagbigti siya. Inilibing siya sa pinaglibingan ng kanyang ama. 24 Nakarating na si David at ang mga tauhan niya sa Mahanaim. Nakatawid na noon si Absalom at ang mga tauhan nito sa Ilog ng Jordan. 25 Pinili ni Absalom si Amasa na kapalit ni Joab bilang kumander ng mga sundalo. Si Amasa ay anak ni Jeter na Ishmaelita.[a] Ang ina niya ay si Abigail na anak ni Nahash at kapatid ng ina ni Joab na si Zeruya. 26 Nagkampo si Absalom at ang mga Israelita sa Gilead.

27 Nang dumating sina David sa Mahanaim, binati sila nina Shobi na anak ni Nahash na Ammonitang taga-Rabba, Makir na anak ni Amiel na taga-Lo Debar, at Barzilai na Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, buto ng mga gulay, 29 pulot, mantika, keso at tupa. Ibinigay nila ito kay David at sa mga tauhan niya, dahil alam nilang gutom, pagod, at uhaw na ang mga ito sa paglalakbay nila sa ilang.

Galacia 6:1-10

Magtulungan Tayo

Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.

Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®